Walang nakikitang masama si House Committee on Dangerous Drugs chairman Robert Ace Barbers kung humingi ng dagdag na pondo ang Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Barbers, policy-making body ang ICAD na nangangailangan ng mas maraming impormasyon na maaari nilang makuha sa mga intelligence na nasa ground.
Tutulong anya ang kanyang komite na mag-lobby para sa mas mataas na budget para sa ICAD.
Sinabi ito ng kongresista matapos umapela si Vice President Leni Robredo na taasan ang P15 million na alokasyon para sa kampanya kontra iligal na droga sa ilalim ng panukalang 2020 national budget.
Naniniwala si Barbers na makatutulong ang dagdag na pondo para mabigyan ng kinakailangang mga gamit ang mga tauhan nito para sa kanilang mga operasyon.
Bukod sa armas at mga bala, suportado ng mambabatas ang panukalang pagamitin ng body cameras ang anti-drug operatives sa tuwing may operasyon.
Nauna rito plano ng komite ni Barbers na imbitahan sa pagdinig sa Kamara si Robredo upang malaman kung ano ang mga plano nito para masawata ang ilegal na droga sa bansa.
Bilang bagong co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs sabi ng mambabatas baka mayroong kailangang lehislayon si Robredo para sa kanyang estratehiya.