Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 505 kilometro Silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras.
Sa ngayon kumikilos na ang bagyo pa-Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Posibleng mag-landfall ang Bagyong Ramon sa Northern Luzon sa November 16 kung hindi ito magbabago ng direksyon.
Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa Catanduanes, Eastern Samar at Silangang bahagi ng Northern Samar.
Ayon sa PAGASA, sa susunod na severe weather bulletin, posibleng itaas na rin ang signal no. 1 sa Camarines Sur, Albay, Sorsogon at nalalabing bahagi ng Northern Samar.
Bukod dito, inaasahang magiging Tropical Storm pa ang bagyo sa susunod na 24 oras.
Ngayong araw, inaasahan ang mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malakas na pag-ulan sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay at Sorsogon.
Mahina hanggang katamtaman na may posibilidad din ng malakas na pag-ulan ang iiral sa Camarines Norte, Masbate, Northern Samar at Eastern Samar.
Bukas, mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malakas na pag-ulan ang inaasahan sa Silangang bahagi ng Isabela at Northern Aurora.
Mahina hanggang katamtaman na may posibilidad din ng malakas na pag-ulan ang iiral sa Bicol Region, Cagayan, Apayao, Quezon, Northern Samar, nalalabing bahagi ng Isabela at Aurora.
Pinag-iingat ang mga residente sa delikadong mga lugar sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Nakataas ang gale warning at ipinagbabawal ngayon ang paglalayag sa mga lugar na nasa signal no. 1, seaboards ng Northern Luzon, at eastern seaboards ng Central at Southern Luzon.