Dedesisyunan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga nakabinbing petisyon para sa rollback sa presyo ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez sa panayam ng Radyo Inquirer, sa ngayon mayroong fare rollback petitions para sa taxi, jeep at bus.
Sinabi ni Ginez na para sa mga taxi, may petisyon na layong gawing permanente na ang rollback na P10 sa flag down.
Mayroon ding hiwalay na petisyon ang mga taxi operators na humihiling naman na itaas ang singil sa ‘waiting time’ o ang standby charge kapag ang taxi ay paghihintayin ng pasahero o di kaya ay naiipit sa traffic.
Nakatakda aniyang ilabas ng LTFRB ang pasya sa nasabing mga petisyon para sa pamasahe sa taxi ngayong buwan ng Enero.
Para naman sa mga pampasaherong jeep, mayroon ding petisyon para gawin nang permanente ang P7.50 na minimum fare.
Maliban sa petisyon para sa minimum fare sa jeep, may hiling din na ibaba sa 25 centavos ang dagdag sa kada kilometrong sobra sa four-kilometer sa halip na 35 centavos na umiiral sa kasalukuyan.
Ang nasabing petisyon para sa pasahe sa jeep ay sa buwan naman ng Pebrero dedesisyunan ng LTFRB.
Ayon kay Ginez mayroon ding hiwalay na petisyon para sa rollback sa pamasahe sa mga pampasaherong bus.
Muling lumutang ang mga panawagan na magpatupad ng rollback sa pasahe dahil sa sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo.