Inihayag ng PAGASA na posibleng maging bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa Martes o Miyerkules.
Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,025 kilometers Silangang bahagi ng Virac, Catanduanes bandang 3:00 ng hapon.
Inaasahan aniyang lalapit ang LPA sa Bicol region at Eastern Visayas kung kaya’t makararanas ng pag-ulan.
Magdudulot naman ang trough ng LPA ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa Visayas, Bicol region, Northern Mindanao, Caraga, Davao region, Quezon province, Mindoro, Marinduque at Romblon.
Magdadala naman aniya ang Northeast Monsoon o Amihan ng mahinang pag-ulan sa Ilocos region, Cordillera, Cagayan Valley at buong Central Luzon.
Magiging maaliwalas naman ang lagay ng panahon sa Metro Manila at nalalabi pang bahagi ng bansa.
Nakataas naman ang gale warning dahil sa inaasahang malalakas na alon sa mga sumusunod na lugar:
– Batanes
– Calayan
– Babuyan
– Cagayan
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– Isabela
– Aurora
– Camarines Provinces
– Catanduanes
– Eastern coast ng Albay
– Eastern coast ng Sorsogon
– Eastern coast ng Quezon
– Polilio Island