WALA raw pondo, sabi ni Pangulong Aquino, kung aaprubahan, malulugi ang SSS at iigsi ang “actuarial life” at mauubos ang pondo sa 2027.
Sabi pa ni PNoy, ‘di baleng tawagin siyang “heartless” o walang puso ngayon kaysa maging “careless” o pabaya, kapag naubos na ang pondo ng SSS.
Napikon ang halos dalawang milyong pensioner, at sa Kongreso, pinag-uusapan ngayon ang pag-override sa kanyang veto.
May pondo ba o wala para sa nasabing pension? Ang “annual income” ng SSS ay P44 milyong nitong 2015 at kailangang magdagdag ng P57 bilyon bawat taon para sa P2,000 dagdag na pension.
Sabi ng mga kritiko, malaki naman ang “investment reserve fund” ng SSS na P428 bilyon noong Abril 2015. Pero ang pondo na ito ang siyang pinapaikot nilang negosyo para lumago ang pera ng mga miyembro lalo’t maliit lang ang kabuuan ng “salary contributions.”
Sa pakiwari ko, pabor ang SSS sa additional na pension dahil alam nilang ikatutuwa ito ng mga miyembro nila.
Katunayan sa Kongreso, nag- compromise pa sila sa technical working group na gawing P2,000 ang buwanang dagdag.
Kaya naman, lumusot ito sa Kamara at Senado, bicameral conference at inaprubahan nina Speaker Sonny Belmonte at Senate President Franklin Drilon bago dumating kay PNoy.
Kung pumirma sana si PNoy, handa naman ang SSS na maghanap ng pondo at isa na rito ang pagtaas ng “savings contribution” ng mga “active members” na ngayo’y 11 percent lamang ng kanilang sweldo.
Panukala ng SSS na itaas ito sa 15-16 percent. Siyempre, may ilang aktibong miyembro na aalma, pero isipin sana na ang mga pensyonado ay mababa ang pasweldo noon lalo’t ang “daily minimum wage” ay nasa P78 hanggang P200 lamang.
Kahit paano, halos P500 ang arawang sweldo ngayon at mas malaki ang benepisyo. Kaya huwag magtaka kung bakit ang monthly pension ni lolo at lola ay P1,200 o P2,400 lamang.
Makakatulong sana ang dagdag na pension upang kahit papaano’y maiangat ang tinatanggap ng may dalawang milyong pensioner.
Pero, ayun na nga, ibinasura ni PNoy. Ayaw ba niyang magdagdag ng “contributions” ang mga active members para mas lumaki ang pondo ng SSS?
Ayaw ba ni PNoy na magbigay ng “subsidy” sa SSS para hindi naman manganib ang “actuarial life” ng naturang pension fund? At panghuling tanong, wala bang ibibigay na pondo ang Malakanyang? Alam niyo po, 1+1 lang ang isyu na ito.
Ang poverty threshold sa bansa ay nasa P8,022 bawat buwan sa Metro Manila. Paanong magkakasya sa mga pensioners ang buwanang pension na P1,200 para sa 10 years of service at P2,400 sa 20 years?
Paano ninyo ipapaliwanag ang mga super-laking mga pondo sa 2016 budget na Special Purpose Funds na P408 bilyon at unprogrammed funds na P67.5 bilyon?
Bakit sa mga malalaking negosyante na may kontratang “government guarantee” ay naglaan kayo ng P30 bilyon na Risk Management program fund? Bakit sa mga pulitiko ay merong P33.2 bilyon pork barrel funds sa 2016 budget?
Wala po bang barya diyan para sa 2 milyon pensyonado ng SSS? MALASAKIT PO, MR. PRESIDENT, MALASAKIT!