One star general posibleng maging susunod na pinuno ng PNP

EDWIN BACASMAS

Posibleng walang kunin sa mga pangalang inirekomenda ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na Philippine National Police (PNP) chief.

Sinabi ni Sen. Bong Go na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ang pangulo ng susunod na pinuno ng PNP.

Masusi umanong idinadaan sa evaluation ang mga pangalang ibinibigay sa pangulo dahil ayaw niyang makalusot sa pwesto ang isang opisyal na sabit sa ilang mga anomalya.

Sinabi rin ni Go na posibleng isang “one-star general” ang susunod na PNP chief.

Nauna nang isinumite ng DILG ang pangalan nina Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan, Police Major General Guillermo Eleazar, at Police Lieutenant General Archie Francisco Gamboa bilang posibleng kapalit ni dating PNP chief Oscar Albayalde.

Ipinaliwanag rin ni Go na aminado naman ang pangulo na qualified ang lahat ng mga ibinigay sa kanyang pangalan ng DILG pero isang “honest” leader ang kanyang hinahanap sa kasalukuyan.

Nakasaad sa PNP law na pwedeng italaga bilang hepe ng pambansang pulisya ang isang opisyal na may ranggong Brigadier General pataas.

Read more...