Ayon kay Moreno, pinayagang manatili ang mga vendor sa nasabing lugar pero kailangan nilang sumunod sa mga alituntunin ng lokal na pamahalaan.
Gayunman, nang mag-ikot sa Divisoria ngayong umaga ng Lunes (Nov. 11) ang alkalde ay nadatnan nito ang tambak na basura sa Ilaya sa bahagi ng Binondo.
“Matapos bigyan ng pagkakataong mamuhay ang ilang mga vendor sa Divisoria, tambak-tambak na basura naman ang isinukli nito sa taumbayan,” ani Moreno.
P40 lamang ang singil ng City Government sa mga vendor. P20 dito ay sinisingil sa umaga at P20 sa hapon.
Ayon kay Moreno, hindi na nga nagbabayad ng mahal sa pwesto ang mga vendor, hindi pa nila magawang maglinis.
Dahil sa tambak na basurang nakita ng alkalde ay hindi na muli papayagan ang pagtitinda sa Ilaya – Binondo side.
“Hindi ba kayo nahihiya o talagang baboy kayo sa bahay? Kailangan ko pa kayo sorpresahin? Pinaghahanapbuhay ko na nga kayo eh. Wala, walang kusa,” dagdag pa ni Moreno.