Ipinahayag ni Robredo na magiging batay sa ebidensya ang bagong “approach” sa war on drugs na pipigil daw sa mga “senseless killings”. Mas gusto raw ni Robredo na mag-focus ang kampanya sa paghabol sa mga big-time drug lords kaysa sa bentahan ng droga sa street level. Payag din si Robredo na sumama sa aktwal na “raids” ng PDEA at PNP sa mga drug suspects kung kinakailangan.
Ayon naman sa Malakanyang, tigilan na ang mga intrigang pag-awayin si Robredo at ICAD at pabayaan siyang makapagtrabaho ng husto. Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dapat walang “roadblocks” at negatibong imahinasyon sa mandato ni Robredo.
Sabi naman ng kanyang tagahanga, ang tapang ni Robredo. “Bigo raw ang Duterte administration sa War on drugs kaya’t ibinibigay ngayon kay Robredo”. Sabi naman ng iba, mag-ingat siya sa mga traydor sa ICAD at huwag itigil ang pagiging oposisyon sa gobyerno.
Sa totoo lang, ang dapat bantayan natin ay ang gagawing pagbabago ni Robredo , “moving forward”o mula ngayong araw. Baka kasi ang mangyari ay mag-focus siya sa “review” sa nakaraang tatlong taong kampanya sa halip na harapin ang araw-araw na digmaan laban sa illegal na droga.
Pabor si Robredo sa “supply constriction strategy” ni Senator Ping Lacson na tutumbok sa mga pumapasok na “smuggled shabu” na dumadaan sa Bureau of Customs o kaya’y lumulutang sa mga karagatan. Tatlong taon daw nag-focus sa “demand side” ang Duterte administration habang tone-tonelada raw na droga ang nakakapasok sa bansa.
Pabor sila na mas tumbukin ang mga “big time drug lords” kaysa sa “street peddlers”.
Nitong April 2019, may resolusyon ang Korte suprema na bigyan ng “automatic plea bargain” ang mga small time drug suspects na mahuhulihan ng 0.99 grams na shabu o 9.99 grams ng marijuana alinsunod sa RA 9165. Bukod daw sa maraming kaso ang mawawala sa backlog, ito’y upang bigyang pagkakataon ang small time drug users na mag-bago.
Dito ako labis na nangangamba. Kaya po bumagsak ng 58% ang krimen sa mga komunidad sa Metro Manila ay dahil nawala o nabawasan ang mga “small time drug peddlers at users” ng War on Drugs. Ngayon, meron silang “automatic plea bargain” na ang ibig sabihin , kapag nahuli sila ng pulis at makipag-areglo , mababawasan ang huling droga pasok sa plea bargain, kaya laya na naman silang muli. At dahil nakikinabang sa isat-isa, babalik na naman ang mga bata-batang kriminal ng mga pulis sa ating mga lugar. Sila ang mga nagkalat na “zombie”at “neighborhood criminals” na nanggulo sa bayan noong panahon ni Ramos, Estrada, Arroyo at lalong-lalong namayagpag sa panahon ni PNoy.
At ang masakit, sa bagong “strategy” ni VP Robredo at ICAD , babawasan ang atensyon sa mga small time pushers at ang hahabulin ay ang mga big time drug lords.
Ano ito? Hindi ba pwedeng sabay-sabay? Ang problema natin ngayon, bumabalik na naman at milyun-milyon na ang nahuhuli sa mga street pushers. Labas-masok na naman ba ang mga drug addict at pusher sa ating mga bayan at lungsod?