Isang executive order (EO) ang planong gawin ng Department of Health (DOH) para mapababa ang presyo ng mahal na mga gamot.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nasa 120 hanggang 124 na mga gamot ang posibleng magkaroon ng maximum retail price.
Ang hakbang ang ahensya ay alinsunod sa Universal Health Care law kung saan kailangang ibaba ang presyo ng mga mahal na gamot.
Iginiit ng kalihim na kailangang ibaba ang presyo ng mga gamot lalo na para sa mga nakakamatay na sakit.
Una nang inilabas ng DOH ang listahan ng mga gamot na mababawasan ang halaga sa ilalim ng maximum drug retail price (MDRP) scheme.
Kabilang sa listahan ang mga gamot para sa altapresyon, sakit sa puso, chronic lung diseases, diabetes at mga pangunahing cancer.