Nasamsam ang P40.9 milyong halaga ng shabu mula sa bagahe ng isang Filipina na galing sa Cambodia sa inspeksyon ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA 3).
Nakuha ang anim na kilong shabu mula kay Ruzol Marie Guillermo, 28 anyos, residente ng Marikina City.
Sakay ng Cebu Pacific flight 5J-258, galing sa Cambodia ang Pinay nang makita sa x-ray scan ang droga sa loob ng kanyang dalawang bag na nakalagay sa backpack nito.
Ayon kay BOC Port of Manila collector Mimel Talusan, naaresto si Guillermo alas 4:00 Sabado ng madaling araw.
Matapos ang inspeksyon sa bagahe ng Pinay, nakuha ang limang plastic packets ng shabu na pinalabas na pakete ng tsaa.
Nasa kustodiya na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspect.