DOH ipinaubaya sa Malakanyang ang hiling ng Sanofi na muling maibenta ang Dengvaxia

Ipinaubaya ng Department of Health (DOH) sa Palasyo ang desisyon sa hiling ng kumpanyang Sanofi Pasteur na muling maibenta sa bansa ang bakuna laban sa dengue na Dengvaxia.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nasa Malakanyang na ang bola partikular sa Office of the President kung papayagan o hindi na muling magamit ang Dengvaxia.

“So now the ball is in their court. The next level of appeal has to be the OP [Office of the President]. We leave the OP to decide on the matter because the appeal is now pending,” pahayag ni Duque sa forum sa Quezon City araw ng Sabado.

Sakali anyang maaprubahan ang pagbabalik ng Dengvaxia, dapat na may istriktong kundisyong ukol sa implementasyon ng malawakang bakuna kontra dengue.

Binanggit ng kalihim na hindi inirekomenda ng World Health Organization (WHO) na gamitin sa mass vaccination ang Dengvaxia.

Kailangan anya na suriin muna ang bakuna dahil sa peligrong maibigay ito sa mga batang hindi pa nagkasakit ng dengue.

Matatandaan na binawi ng Food and Drug Administration (FDA) ang certificate of product registration ng Dengvaxia dahil sa kabiguan ng Sanofi na magsumite ng post-approval documents at dahil na rin sa kontrobersyang dulot nito kung saan ito ang ang umanoy dahilan ng pagkamatay ng mga batang nabakunahan laban sa dengue.

Read more...