AMA Rural Bank ipinasara ng Bangko Sentral ng Pilipinas

Ipinatigil ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang operasyon ng AMA Rural Bank.

Ang nasabing bangko ay pag-aari ng AMA Group of Companies ng businessman na si Amable Aguiluz at ikalima sa pinaka-malaking capitalized rural bank sa bansa.

Kaugnay nito, isinailalim na ng Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) ang AMA Bank sa ilalim ng receivership.

Sa record ng PDIC, ito na ang ikawalong bangko na isinailalim nila sa receivership sa taong ito.

Ang ibang mga bangko ay ang Rural Bank of Lemery, Rural Bank of Larena (Siquijor), East Coast Rural Bank of Hagonoy, Rural Bank of Guihulngan (Negros Oriental), Valiant Bank, The Palawan Bank at Rural Bank of Basey (Samar).

Ang AMA Bank ay may labingtatlong branches at naglagay na ng notice ang PDIC sa mga ito kaugnay sa pagsasailalim sa receivership.

Ayon sa latest financial statement ng AMA Bank, sila ay may kabuuang assets na P2.83 billion.

Ang AMA  Bank ay may capitalization na aabot sa  P1.04 billion.

Inilalagay sa receivership ng PDIC ang isang bangko kapag hindi na nito kayang bayaran ang kanyang pananagutan.

Ang AMA Bank ay may kabuuang loan na umabot sa P2.06 billion na binubuo ng consumer loans.

Sa ilalim ng batas, saklaw ng deposit insurance mula sa PDIC ang mga deposito sa bangko ng hanggang sa P500,000.

Read more...