Sinabi nina Finance Undersecretary Karl Chua at Assistant Secretary Antonio Lambino III na may mga panukala kaugnay sa salty foods pero hindi prioridad ng kagawaran.
Naniniwala ang nasabing mga opisyal na mas mabuting isulong ng gobyerno ang regulasyon para sa nasabing mga uri ng pagkain kesa patawan ito ng dagdag na buwis.
Aminado si Lambino na may pag-aaral ngayon ang technical working group na binubuo ng DOF, Department of Trade and Industry at Department of Health para mabawasan ang konsumo ng mga Pinoy sa mga pagkaing walang sustansiya.
“Yung pinag-aaralan natin kung ano ang uri ng pagkain na very low nutritional value, in fact some food have zero nutritional value, ‘yung ang tututukan,” paliwanag pa ni Lambino.
Magugunitang ipinanakukala ang DOH ang dagdag na buwis para sa salty foods para makaiwas ang mga Pinoy sa sakit na dulot ng labis na asin sa katawan.
Nauna na ring sinabi ng ilang mga mambabatas na hindi nila susuportahan ang nasabing panukala.