Override sa veto ng Pangulo sa dagdag na P2,000 SSS pension, isusulong sa Kongreso

colmenares
Bayanmuna Rep. Neri Colmenares

Iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares na kung magkakaroon ng isang ‘historic override’ ang Kongreso, ang SSS Pension Increase bill ang tamang isyu pa rito.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Colmenares na hindi niya bibitawan na mai-override ang veto ni Pangulong Noynoy Aquino dahil ‘justifiable’ ito.

Ito’y sa kabila ng pahayag ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na malabo na mai-override ang veto ng Pangulo, dahil hindi pa raw nangyayari ito sa kasaysayan ng bansa.

Pero ani Colmenares, ‘there’s always a first time’ at kung hindi nagawa noon, maaaring maisakatuparan ngayon.

Dagdag ni Colmenares, marami na sa kanyang mga kasamahan sa Kamara ang nagtext na para sabihing boboto sila para ibasura ang veto ng Presidente.

Hinimok naman ni Colmenares ang mga senior citizen sa buong bansa na kumbinsihin ang kani-kanilang mga Kongresista na bumoto para i-override ang veto sa SSS Pension Increase Bill.

Mayroon na rin aniyang nasa tatlumpung kongresista ang tiyak na boboto para i-override ang veto ni Pnoy, dahil ang mga ito ay pawang co-authors ng panukalang dagdag-dalawang libong piso sa buwang pensyon ng mga SSS member.

Sa isyu naman ng quorum, tiwala si Colmenares na dadalo ang mga House Member sa sesyon lalo’t ilang araw na lamang ang natitira bago mag-adjourn ang Kongreso.

Sa pag-override ng isang panukalang batas na na-veto ng Punong Ehekutibo, kailangan ng 2/3 votes mula sa Kamara, at 2/3 votes din mula sa Senado.

 

Read more...