Halos makukumpleto na ang isinasagawang konstruksiyon ng runway o daanan ng mga eroplano at iba pang pasilidad ng bansang China sa Panganiban Reef, ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI).
Ang Panganiban Reef ay matatagpuan sa teritoryo ng Pilipinas sa Spratly archipelago na nasa loob ng pinag-aagawang South China Sea.
Kilala din bilang Mischief Reef, ang Panganiban Reef ay nasa 216 kilometers sa Kanlurang bahagi ng Palawan na nasa loob ng 370 kilometers exclusive economic zone ng Pilipinas.
Kaugnay din nito, mabilis na rin tinatapos ng China ang isa pang runway at iba pang pasilidad sa Zamora Reef o Subi Reef na bahagi rin ng teritoryo ng Pilipinas sa Spratlys.
Ang Zamora Reef na may layong 23.4 kilometers sa Pag-asa Island o Thitu Island ay isang maliit na munisipalidad na tahanan ng maliit na populasyon ng mga sibilyan sa Palawan.
Noong Biyernes, naglabas ang AMTI ng pinakabagong ulat ukol sa mga developments sa Spratlys kung saan makikita ang detalye at maging ang mga satellite image ng mga ginawang konstruksiyon ng China sa nakalipas lamang na anim na buwan.
Ayon sa report ng AMTI, nasa 37.8 kilometers lamang ang layo ng Mischief Reef sa BRP Sierra Madre na kilalang tahanan ng isang pangkat ng Philippine Marines.
Dagdag ng AMTI, napanatili ng China ang presensya ng kanilang coast guard sa paligid ng Second Thomas Shoal o Ayungin Shoal simula pa noong 2013.