Lumakas pa ang Severe Tropical Storm Quiel habang binabagtas ang West Philippine Sea.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Benison Estareja, huling namataan ang bagyo sa layong 375 kilometers West Northwest ng Coron, Palawan bandang 3:00 ng hapon.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 kilometers per hour.
Mabagal pa rin ang pagkilos ng bagyo.
Sinabi pa nito na ang outer portion ng bagyo ay nakakaapekto sa Western section ng Central at Southern Luzon.
Makararanas din aniya ng pag-uulan ang Northern Luzon dahil naman sa Tail-end of a Cold Front.
Posibleng sa Biyernes ng gabi o Sabado ng madaling-araw ay tuluyan nang makalabas ng bansa ang sama ng panahon.
Samantala, unti-unti nang lumalayo sa bansa ang isa pang binabantayang bagyo ng PAGASA.
Huli namataan ng Typhoon Halong sa 3,045 kilometers East ng Extreme Northern Luzon bandang 3:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 165 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 215 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyon Hilaga sa bilis na 15 kilometers per hour.
Hindi pa rin aniya inaasahang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at wala ring magiging epekto sa anumang parte ng bansa.