Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 435 kilometro Kanluran Hilagang-Kanluran ng Coron, Palawan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometro bawat oras.
Lalakas pa ang Bagyong Quiel at inaasahang magiging ganap na Severe Tropical Storm sa loob ng 24 oras.
Hindi ito tatama sa kalupaan at inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado.
Ngayong gabi hanggang bukas ng gabi, ang bagyo at ang Tail-End of a Cold Front ay magdadala ng mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay may kalakasang mga pag-ulan sa Ilocos Region, Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Apayao, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Antique, mga bahagi ng Palawan partikular ang Cuyo Islands at Kalayaan Islands.
Mahina hanggang katamtaman na may bugso din ng malalakas na ulan ang mararanasan sa Aklan, Iloilo, Guimaras, Oriental Mindoro at nalalabing bahagi ng Palawan kasama ang Calamian Islands.
Ang mga residente na nakatira sa delikadong mga lugar ay pinag-iingat sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, ang binabantayan namang Typhoon ‘Halong’ ay huling namataan nasa layong 2,965 kilometro Silangan ng Extreme Northern Luzon.
Nilinaw ng PAGASA na binabantayan lamang ito at hindi inaasahang papasok ng PAR.
Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Babuyan Islands, northern coast ng Cagayan, Ilocos Norte at Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan at Palawan.