Sa desisyon ng CA 18th Division na sinulat ni CA Associate Justice Alfredo Ampuan, sinabi nito na walang pinsala sa negosyo ng PECO dahil nauna na itong tinanggalan ng prangkisa ng Kongreso at ang awtoridad na magbigay ng supply ng kuryente sa may 50,000 na kabahayan sa Iloilo City ay ibinigay na sa MORE Power.
Kinatigan ng CA ang pagbibigay ng Kongreso ng prangkisa sa More Power sa ilalim ng Republic Act No. 11212 bilang bahagi ng kapangyarihan at mandato nito sa ilalim ng Sections 22 at 27 ng Republic Act. No. 9136 o Electric Power Industry Reform Act.
Iginiit pa ng appellate court na walang basehan ang pangamba ng PECO na kung kukunin ang kanilang distribution assets ay makakaranas ng mga blackouts ang buong Iloilo dahil tanging sila ang may kaalaman at expertise sa power industry.
Hindi umano mangyayari na magkakaroon ng pagdiskaril sa supply ng kuryente dahil sasaluhin ng More Power ang lahat ng assets ng PECO bilang sya nang bagong DU sa Iloilo kaya tuluy-tuloy ang power supply.
Ang legislative franchise ng PECO ay hindi na ni-renew ng Kongreso dahil sa reklamo ng mga residente na hindi magandang serbisyo nito kabilang na ang masyadong mataas na singil sa kuryente na syang pinakamataas sa buong bansa at palagiang brownout.
Ang More Power ang nakakuha ng bagong prangkisa at alinsabay nito ay binibigyan ito ng kapangyarihan sa ilalim ng Sections 10 at 17 ng RA 11212 na i-expropriate o kunin at bilhin ang mga assets ng PECO upang hindi matigil ang serbisyo sa publiko.