Inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang “Disiplina Muna” National Advocacy Campaign sa Manila City Hall, Miyerkules ng hapon.
Ayon kay DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, target ng programa na mapanatili ang pagkakasa ng road clearing operations sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Layon ng kampanya na palawigin ang kultura ng disiplina sa mga Filipino sa pamamagitan ng maayos na partisipasyon at pamamahala.
Layon din nitong mapatindi ang kamalayan at responsibilidad ng bawat mamamayan para sa paglago ng bansa upang makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng buong bansa.
Unang ipatutupad ang kampanya sa Maynila.
Maliban sa clearing operations, sakop din ng kampanya ang disaster preparedness and resilience procedures, smoking ban, ease of doing business, liquor ban, paglilinis sa mga tourist destination at implementasyon ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).
Kasunod nito, hinikayat ni Malaya ang publiko na suportahan at makiisa sa kampanya.
Aniya, hindi magiging matagumpay ang program kung walang kooperasyon mula sa mga mamamayan.