Tinanggap ni Vice President Leni Robredo ang posisyon bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ani Robredo, tinatanggap niya ang appointment ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ito ang magiging pagkakataon para mahinto na ang mga pagpatay sa mga inosente at para mapanagot ang tunay na mga may sala.
Sinabi ni Robredo na batid niyang gagawin ng administrasyon ang lahat para hindi siya magtagumpay pero handa niya itong tiisin.
Ipinaliwanag ni Robredo na hindi siya nagpapahayag ng mga pagpuna sa war on drugs nang dahil sa naghahabol siya ng puwesto.
Tinanong rin ng pangalawang pangulo ang mga makakasama sa ICAD kung handa na ba sila na makasama siya sa trabaho.
Hindi umano niya hiniling ang maging drug czar kundi ang ideya ay galing mismo sa pangulo.
Sinabi ni Robredo na nakahanda siyang gawin ang tungkulin bilang anti-drug czar katuwang si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino.
Nauna nang tinawag ng kampo ng pangalawang pangulo na hindi seryoso ang alok para sa nasabing pwesto hanggang sa ilabas kahapon ng Malacanang ang isang executive order na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ito ay binatikos ni Robredo ang war on drugs ng gobyerno na kailangan umanong baguhin ang ilang panuntunan dahil nauwi na ito sa mga kaso ng extrajudicial killings.
Sa kanyang pahayag kanina, sinabi ni Robredo na hindi niya sinabing ihinto ang kampanya kontra sa droga kundi baguhin lamang ang ilag hakbangin sa pagpapatupad nito.