Tropical Storm Quiel magdadala ng mga pag-ulan sa Luzon at W. Visayas

Patuloy na magdadala ng mga pag-ulan ang Tropical Storm Quiel sa malaking bahagi ng bansa.

Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 445 kilometro Kanluran Timog-Kanluran ng Subic, Zambales.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 85 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito sa direksyong Silangan Timog-Silangan sa bilis na 10 kilometro bawat oras at posibleng sa Biyernes pa lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ngayong araw, dahil sa tail-end of a cold front, maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan pagkulog at pagkidlat sa Cagayan Valley Region at Cordillera Administrative Region.

Sa Metro Manila, Bataan, Zambales, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces, Palawan at Western Visayas, maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat din ang mararanasan na dala ng Tropical Storm Quiel.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, inasahan ang maalisangang panahon na may posibilidad ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstoms.

Nakataas ngayon ang gale warning sa mga baybaying dagat ng Batanes, Babuyan, northern coast ng Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Isabela at Palawan.

Samantala, ang isa pang binabantayang bagyo na may international name na ‘Halong’ ay huling namataan sa layong 2,985 kilometro Silangan ng Extreme Northern Luzon.

Hindi na ito inaasahang papasok pa ng PAR.

Read more...