Ayon sa mga kaanak, ang mga biktima ay pawang mga US citizens at miyembro ng La Mora, isang Mormon community na humiwalay sa Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.
Nasa convoy mula sa Bavispe ang mga biktima at patungo sana sa isang kasalan sa LaBaron, isa ring Mormon community sa state of Chihuahua.
Gayunman, habang nasa biyahe, pinaulanan ng bala ang kanilang tatlong sasakyan dahilan para sumabog ang isa sa mga ito at magliyab.
Ayon kay Security Secretary Alfonso Durazo, posibleng nagkamali ang drug cartel at inakalang kalaban na ‘gang’ ang large SUV ng mga biktima.
Ang grupong ‘La Linea’ na may kaugnayan sa Juarez Cartel at ‘Los Chapos’ na bahagi naman ng Sinaloa cartel ay patuloy na nag-aaway sa Sonora state.
Nagpahayag na si US President Donald Trump na handa ang Washington na umasiste para wakasan ang karahasan ng drug cartels.
Nag-alok na rin ng tulong ang FBI sa Mexican authorities sa imbestigasyon.
Gayunman, iginiit ni Mexican President Andrés Manuel López Obrador na magtratrabaho nang may kalayaan at soberanya ang bansa sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng malagim na pag-atake.