Elementary school principal arestado sa buy-bust sa Maguindanao

Parang MPS photo

Timbog ang isang elementary school principal sa buy-bust operation ng pulisya sa Parang, Maguindanao.

Sa impormasyong inilabas ng Parang Police araw ng Martes, kinilala ang suspek na si Nasser Kali Tando, 54 anyos, principal ng Miramar Elementary School sa Brgy. Poblacion 2.

Inaresto ang principal matapos positibong bentahan ang police poseur buyer ng tatlong sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P3,000.

Ayon kay Parang Police chief Lt. Colonel Ibrahim Jambiran, ikinokonsiderang high-value target si Tando dahil sa umano’y pagtutulak nito ng droga sa mga estudyante sa Brgy. Poblacion.

Una na umanong umamin ang principal na gumagamit siya ng droga ngunit nangakong ititigil niya na ito.

Pero ayon sa beripikasyon ng pulisya bumabatak pa rin si Tando ng droga kaya’t nagkasa sila ng buy-bust.

Bukod sa ibinentang shabu, nakuhaan pa ito ang suspek ng isang plastic sachet ng shabu.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang school principal.

 

Read more...