Pagpapalayas sa kanila sa compound, kinwestyon ni Lottie Manalo-Hemedez

Inauirer file photo | FRANCES MANGOSING
Inauirer file photo | FRANCES MANGOSING

Nanindigan si Lolita “Lottie” Manalo-Hemedez, kapatid ni Iglesia ni Cristo (INC) executive minister Eduardo Manalo na hindi lilisanin ang kanilang tirahan, sa kabila ng pagpapaalis sa kanila doon.

Sa kaniyang pahayag sa harap ng media, iginiit ni Hemedez na sa kaniyang pag-aari ang No. 36 Tandang Sora, at na nakapangalan sa kaniya ang pag-aaring ito simula pa noong 1983.

Ayon naman sa kaniyang abogadong si Atty. Trixie Angeles, kung sila ay aalis, mangangahulugan ito na sinasang-ayunan nila ang claim na hindi sa kanila ang ari-arian na iyon.

Kaakibat ani Angeles ng right of ownership ay ang right of possession, kaya hindi nila ito isusuko.

Paliwanag ni Hemedez, binilinan ng kaniyang ama na si Erano “Erdy” Manalo na ipagtayo siya ng kalapit na bahay kapag sila ay kinasal, kaya bumili ang ama niya ng lote at pinatayuan ito ng bahay at ito na nga ang No. 36.

Sinabi naman ng INC na maaring mag-hain na sila ng ejectment case laban sa magkapatid na Manalo na sina Hemedez at Felix Nathaniel “Angel” Manalo kung hindi pa sila aalis sa compound.

Ngunit, naniniwala si Angeles na hindi magiging matagumpay ang ang ejectment case na isasampa ng INC dahil pag-aari talaga ng kaniyang mga kliyente ang kanilang tinitirhan.

Samantala, iginiit rin ni Hemedez na maging ang pag-tiwalag sa kanila ay hindi rin dumaan sa tamang proseso dahil wala man lang kumausap sa kanila at nalaman na lamang nila ito sa mga kaibigan at sa telebisyon.

Nais man ni Hemedez na makausap ang kaniyang nakatatandang kapatid, matagal na raw silang hindi kinakausap nito sa hindi niya malamang kadahilanan.

Read more...