Inilabas ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang City Ordinance no. 6004 na nagbabawal sa mga residente na lumabas ng kanilang bahay na ‘half-naked’ sa lungsod.
Paliwanag ng alkalde, bahagi ito ng hakbang para ayusin ang imahe ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapairal ng disiplina, kalinisan at kaayusan.
Ang hindi pagsusuot ng damit pang-itaas sa mga pampublikong lugar ay pag-aasta aniyang siga.
Kasunod nito, ipinag-utos na sa Pasay Police na tutukan at i-record ang mga indibidwal na lalabag sa ordinansa.
Sinumang mahuling lumabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P2,000 o 12-oras na community service sa first offense, P3,000 o 18-oras na community service sa second offense habang P4,000 o 24-oras na community service sa ikatlong paglabag.