TD Quiel, bahagyang lumakas habang nasa West Philippine Sea – PAGASA

Photo grab from DOST PAGASA’s website

Bahagyang lumakas ang Tropical Depression Quiel habang nasa bahagi ng West Philippine Sea.

Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, huling namataan ang bagyo sa layong 540 kilometers West Southwest ng Iba, Zambales bandang 3:00 ng hapon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.

Mabagal ang pagkilos ng bagyo sa direksyong Silangan.

Magdudulot aniya ang bagyo at ang Frontal System ng moderate to occasional heavy rains sa Northern Luzon, Zambales, Bataan, Palawan at Mindoro provinces hanggang Miyerkules ng hapon.

Kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms naman aniya ang iiral sa Caraga at Davao Region dahil sa Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ) hanggang Miyerkules ng hapon.

Sinabi pa ni Aurelio na naglagas ng gale warning sa northern at western seaboards ng Luzon dahil sa inaasahang maalon na kondisyon ng dagat na posibleng umabot sa apat hanggang limang metro ang taas.

Malabo naman aniyang tumama sa kalupaan ng bansa ang bagyo.

Samanatala, isa pang bagyo ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa.

Ayon kay Aurelio, ang Typhoon “Halong” ay huling namataan sa 3,065 kilometers East ng Extreme Northern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 230 kilometers per hour.

Binabagtas nito ang direksyong Northwest sa bilis na 15 kilometers per hour.

Malabo pa rin aniya ang tsansa na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.

Read more...