Ayon sa Pangulo, pawang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), at ng iba pang mga lokal na armadong grupo ang nagpapakita ng kanilang suporta sa pamamagitan ng pagpapakalat ng kanilang mga video na nagwa-wagayway ng bandera ng ISIS at nagsasabing sila ay kasapi na ng teroristang grupo.
Ngayong sikat aniya ang ISIS, pinipilit ng mga lokal na grupong ito na sila ay bahagi ng ISIS katulad ng pag-ako nila noon bilang kasapi ng al-Qaida at Jemaah Islamiyah.
May natanggap man aniya silang mga balita na isang grupo ang kinukunsidera nang kilalanin ng ISIS, hindi na sila bagong banta sa bansa dahil matagal na silang kalaban ng gobyerno.
Bunsod ng tila papalapit nang mga pag-atake ng ISIS, lalo’t sa Indonesia lang ang pinakahuli, bilang pag-iingat ay inatasan na ng Pangulo na mas higpitan ang seguridad sa bansa.
Hinimok niya rin ang publiko na makiisa sa pagsugpo sa posibleng terorismo sa pamamagitan ng pagre-report ng mga kahina-hinalang aktibidad o mga bagay na iniiwan sa kung saan.
Aminado si PNoy na bagaman walang credible threat na natatanggap ang pamahalaan, hindi pa rin tayo ligtas, o bukas pa rin ang ating bansa sa anumang insidente ng extremism.
Gayunman tiniyak ng Pangulo na ginagawa na ng mga otoridad ang lahat ng dapat gawin para panatilihin ang kaligtasan ng lahat.