Isang resolusyon ang inaprubahan ng Cebu Provincial Board araw ng Lunes na nagbibigay awtorisasyon kay Gov. Gwendolyn Garcia na magbigay ng tulong-pinansyal sa mga biktima ng lindol sa mga bayan ng Makilala, Tulunan, Magsaysay, Magpet at Kidapawan City sa North Cotabato; at sa Bansalan at Digos City sa Davao del Sur.
Si Garcia mismo ang humiling sa pagpasa sa resolusyon.
Kukunin ang P20 milyon mula sa preparedness fund ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon kay Garcia, ang halaga ng financial assistance na ibibigay sa mga pamahalaang lokal sa Mindanao ay depende sa bilang ng apektadong pamilya o indibidwal sa kanilang lugar.
Pinakamalaki ang ibibigay sa Makilala na aabot sa P7 milyon dahil dito pinakamarami ang naapektuhang pamilya.