Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagdedeklara sa November 8 kada taon bilang ‘Yolanda Commemoration Day’.
Nakakuha ang House Bill no. 4960 ng 213 affirmative votes, 0 negatives at 0 abstentions.
Ipinanukla ito ng mag-asawang sina Majority Leader Martin Romualdez at Tingog Sinirangan party-list Representative Yedda Marie Romualez na kapwa mula sa Leyte.
Sa ilalim ng HB 4960, gagawing special non-working holiday ang November 8 sa Tacloban City at mga lalawigan ng Leyte, Biliran, Southern Leyte, Northern Samar, Samar (Western) at Eastern Samar.
Layon umano ng panukalang batas na bigyang-pugay ang mga nasawi sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda noong November 8, 2013.
Kinikilala rin sa panukalang batas ang kabayanihan ng mga volunteers at mga organisasyong tumulong para makarekober at makabalik sa kanilang mga buhay ang mga komunidad na naapektuhan ng bagyo.
Magugunitang higit 6,000 katao ang nasawi sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda.
Isa ang bagyo sa mga pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan.
Bukod sa higit 6,000 nasawi, nasa 28,000 ang nasugatan at umabot sa P89 bilyon ang naging pinsala sa ari-arian.