PNP, walang naitalang untoward incident sa paggunita ng Undas

INQUIRER FILE PHOTO | EDWIN BACASMAS

Naging mapayapa ang sitwasyon sa buong bansa kasabay ng tatlong araw ng paggunita ng Undas, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa na walang napaulat na untoward incident sa 17 na rehiyon sa bansa.

Sa kasagsagan nito, nakumpiska aniya ang walong armas sa magkakahiwalay na law enforcement operations sa Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, Western Visayas, Caraga at Cordillera regions.

Mayroon din aniyang napaulat na kaso ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Central Luzon at dalawang kaso ng pagkakakuha ng ilegal na droga sa Metro Manila at Eastern Visayas.

Samantala, nasa kabuuang 4,491 na ipinagbabawal na gamit ang nasamsam ng mga otoridad.

Kabilang dito ang mga sumusunod:
– 3,361 na matatalim na bagay
– 977 na inuming nakakalasing
– 71 gamit pang sugal
– 76 na videoke machine

Gayunman, sinabi ni Gamboa na patuloy pa rin ang operasyon ng PNP sa Police Assistance Centers sa national highways at pampublikong transport terminals para matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng mga motorista na pabalik ng Metro Manila.

Sinabi pa ni Gamboa na ang ipinatupad na security at public safety plan sa nagdaang Undas ay magsisilbing dryrun sa nalalapit na Southeast Asian (SEA) Games at sa Christmas season.

Read more...