Ayon sa Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), sangkot sa aksidente ang isang tricycle, Avanza Multi-Purpose Vehicle (MPV) at Mirage Sedan sa bahagi ng Marcos Highway – Masinag.
Batay umano sa pahayag ng isang saksi, nag-counterflow ang tricycle sa Marcos Highway dahilan kaya nabangga ng paparating na MPV ang tricycle at concrete carrier.
Nagdulot ito ng domino effect kung kaya’t nadamay ang Sedan sa aksidente.
Sinabi ng I-ACT na agad silang rumesponde sa lugar katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), Antipolo City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRM), Antipolo Rescue (AR), Barangay Mayamot Rescue Team (BMRT), at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Region 4A.
Isa-isang inasiste ang anim na sugatang pasahero ng tricycle at MPV at dinala sa pinakamalapit na ospital.
Paalala naman ni Ret. B/Gen. Manuel Gonzales, hepe ng I-ACT Task Force at Assistant Secretary for Special Concerns ng Department of Transportation (DOTr), sa mga motorista na sumunod sa mga batas-trapiko para maging ligtas sa pagbiyahe.