LPA, ITCZ at amihan magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa

Tatlong weather system ang nakakaapekto ngayon sa bansa at inaasahang magdadala ng mga pag-ulan.

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, apektado ng trough ng isang low pressure area (LPA) ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Mindoro Provinces.

Magdudulot ang trough ng LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Maulap na kalangitan din na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang mararanasan sa Caraga at Davao Region dahil sa intertropical convergence zone (ITCZ).

Magdadala naman ng maulap na kalangitan na may mahihinang-pag-ulan ang Amihan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.

Sa nalalabing bahagi ng bansa asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng pulo-pulong pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, nakataas ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Babuyan, Ilocos Norte, at northern coast ng Cagayan.

Read more...