Inaresto ng Indonesian police ang tatlong suspek na may kinalaman umano sa serye ng pag-atake sa Jakarta kahapon na nagresulta sa pagkasawi ng pitong katao.
Hawak ngayon ng mga otoridad ang mga hindi pa pinangalanang suspects na pawang mga Indonesian at posibleng may kuneksyon umano sa mga naganap na pagsabog.
Ayon kay Indonesian Police spokesman Muhammad Iqbal inaresto ang tatlo kaninang madaling umaga sa isinagawang operasyon ng crack commandos mula sa Detachment 88 counter-terrorism unit.
Sasailalim umano sa pagtatanong ang mga naarestong indibidwal.
Ngayong umaga nananatiling naka-kurdon ang branch ng Starbucks coffee shop dahil malapit doon naganap ang isa sa mga pagsabog.
Sa isang large screen na nasa itaas na bahagi ng building ng isang gusali, nakasulat ang “#prayforjakarta” at “Indonesia Unite”.
Sa pitong nasawi sa pag-atake, dalawa ang sibilyan na isang Indonesian at isang Canadian habang ang lima ay kabilang sa mga suspek. Nasa 20 iba pa ang nasugatan.