Palasyo, pumalag sa tweet na kinukutya si Pangulong Duterte na hindi nabigyan ng jersey sa 35th ASEAN Summit

Pumalag ang Palasyo ng Malakanyang sa tweet ni Professional Heckler na kinukutya si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nakatanggap ng jersey sa paglagda ng 10 ASEAN leaders para suportahan ang FIFA World Cup na gaganapin sa Thailand.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, malinaw na umaatake na naman ang mga taga-oposisyon at nagpapakitang gilas na naman sa pagpapakalat ng fake news.

Ayon kay Panelo, si Professional Heckler ay pinagduduhang kasabwat ng mga dilawan o ng kampo ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Nakalagay sa caption ni Professional Heckler na “Noong bata ka, naramdaman mo rin ito. Lahat nabigyan na ng candy maliban sa ‘yo. Naiiyak ka na pero nagpigil ka lang para di mapahiya.”

Malinaw aniya na naka-splice lamang ang video na gamit ni Professional Heckler dahil makikita naman na nakatanggap ng jersey ang Punong Ehekutibo.

Madali rin aniyang ma-access ang video at picture dahil naka-post naman sa official Facebook page ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ayon kay Panelo, mistulang hindi na titigil ang mga taga-oposisyon sa pagpapakalat ng pekeng balita patungkol sa Presidente hanggang sa matapos ang kaniyang termino sa 2022.

Giit ni Panelo, kahit na ano pang paninira ang gawin ng oposisyon, hindi nila malilinlang ang taong bayan dahil nananatiling mataas ang popularity at acceptance rating ni Pangulong Duterte.

Una rito, kumalat na rin ang pekeng balita na pinagsabihan umano ng hari ng Thailand si Pangulong Duterte na mag-behave sa ASEAN Summit bagay na pinabulaanan ng Palasyo.

Read more...