Handa na ang Manila Police District (MPD) para sa nakatakdang 2019 Bar Exams na magsisimula araw ng Linggo, November 3.
Ayon kay MPD director Police Brig. Gen. Bernabe Balba, itinalaga ang 600 na mga pulis para matiyak ang kaayusan sa venue ng Bar Exams na University of Santo Tomas (UST) sa España, Manila.
Inaasahan ng MPD ang dagsa ng mga kaanak at kaibigan ng mga kukuha ng nasabing pagsusulit na maaaring samantalahin ng mga kriminal.
Sinabi ni Balba na nakaalerto ang mga pulis at handang rumesponde sa kahit anong sitwasyon kasabay ng Bar Exams.
Tiniyak ng MPD chief na magiging maayos at mapayapa ang naturang pagsusulit na gagawin sa apat ng Linggo ng Nobyembre.
Halos 8,000 law graduates ang inaaasahang kukuha ng Bar Exams ngayong taon.