Utos kay Duterte na mag ‘behave’ sa Asean Summit fake news ayon kay Andanar

Itinuring na fake news ni Communications Secretary Martin Andanar ang lumabas na artikulo na inutusan umano si Pangulong Rodrigo Duterte ng King of Thailand na mag “behave” sa 35th Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit sa Bangkok.

Tinutukoy ni Andanar ang istoryang lumabas sa front page ng Bangkok Post na may titulong “King orders PH Duterte behave during Asean Summit.”

Hawak ang hard copy ng Bangkok Post na may petsang October 31, sinabi ng kalihim na wala namang nakalagay na ganoong istorya sa pahayagan.

“Meron pong mga malisyoso na gumawa ng fake news na nakalagay dito na pinagsabihan daw ng hari si Presidente Duterte na mag behave,” ani Andanar.

Paliwanag ng kalihim, malinaw na ang nakasulat na artikulo ay tungkol sa “five generation cellphone” kaya fake news ang inilabas.

Ipaparating ito ni Andanar sa National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy kung saan nagmula ang fake news.

Nagbabala pa si Andanar na may kaukulang parusa ang pagkakalat ng pekeng balita ukol sa King of Thailand dahil isa itong insulto sa monarkiya.

“Alam nyo kapag gumawa kayo ng fake news na ganyan, na ginagamit ninyo ang pangalan ng hari dito sa Bangkok, Thailand, pwde kayong makulong ng labing limang taon dahil sa kanilang lese-majeste law na kapag binastos niyo ang revered na hari ay diretso kayo sa loob ng kulungan,” dagdag ng opisyal.

Nanawagan din ito na huwag gumawa ng naturang maling balita na anyay nakakasira sa uganayan ng Pilipinas at Thailand.

Read more...