Alkalde ng Cainta, humingi ng tawad sa pagmomotor nang walang helmet

Humingi ng paumanhin si Cainta, Rizal Mayor Johnielle “Kit” Nieto matapos makitang nagmomotor nang walang suot sa helmet.

Gamit ang kaniyang Facebook account, nag-sorry si Nieto sa lahat ng nakakita sa kaniyang pagmamaneho ng motorsiklo nang walang safety gear papunta sa isang simbahan para dumalo sa kasal.

Aniya, walang dahilan para siya hindi bigyan ng ticket ng mga otoridad dahil maliwanag na paglabag ito sa batas.

Iginiit pa ng alkalde na dapat mas pinahalagahan niya ang pagsunod sa batas sa halip na pairalin ang kaniyang mga paniniwala.

Ani Nieto, sa Lunes (November 4), personal niyang kukunin ang traffic citation ticket sa Land Transportation Office (LTO) para harapin ang pagkakamali.

Pupunta rin aniya siya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para tanungin kung dapat ba siyang dumaan sa anumang disciplinary action.

Ani Nieto, handa siyang humarap sa anumang ilalabas na desisyon ng DILG kahit pa ang posibleng pagkakatanggal niya sa pwesto.

Read more...