China, nagpaabot ng P22M donasyon sa Mindanao matapos tamaan ng malalakas na lindol

Nagpaabot ng 3 million RMB o P22 milyong donasyon ang gobyerno ng China sa Pilipinas para ayudahan ang mga biktima ng tumamang malalakas na lindol sa Mindanao.

Sa inilabas na pahayag, nakikisimpatya ang gobyerno ng China sa mga apektadong pamilya ng lindol.

Sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas, ipadadala anila ang donasyon para makatulong sa disaster relief operasyon sa rehiyon.

Dagdag pa nito, sa tibay ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging ng gobyerno ng Pilipinas, tiwala silang malalampasan ng mga taga-Mindanao ang pinagdaanang sakuna.

Hindi bababa sa 16 katao ang nasawi makaraang yumanig ang magnitude 6.6 at magnitude 6.5 na lindol sa Tulunan, Cotabato nitong nagdaang linggo.

Nasa 6 katao naman ang nasawi sa tumamang magnitude 6.3 na lindol sa Cotabato noong October 16.

Read more...