Duterte: “Huwag kayong magboto kay Leni, kawawa kayo”

Kahit ipinahayag na handa siyang ibigay ang law enforcement powers sa natitirang panahon sa termino, muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo.

Nagbabala ang presidente sa publiko na huwag iboto si Robredo sakaling tumakbo ito sa pagkapangulo sa susunod na halalan.

Sa pulong balitaan sa Davao City araw ng Huwebes, sinabi ng presidente na kawawa lang ang mga Filipino sakaling maging presidente si Robredo.

“Ang hindi ko malaman kung namulitika ka. Pero kung namulitika, alam ko sabihin sa Pilipino “P***** i** ka. Huwag kayong magboto diyan kay Leni. Kawawa kayo,” ayon sa pangulo.

Wala na anyang magandang sinabi ang bise presidente para sa pulisya at militar.

“Here comes a lawyer, criticizing about sa pulis. Ito si Leni wala na magandang sinabi para sa pulisya. Wala silang ano. Wala silang connect talaga. Lahat ng gagawain ng military pati police ma — either masama, hindi tama,” dagdag nito.

Iginiit ng pangulo na kahit abugado si Robredo ay wala itong alam sa batas matapos ang mga pahayag hinggil sa pagtanggap ng regalo ng mga pulis.

Ayon kay Duterte, pwede namang tumanggap ang mga pulis ng regalo sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Law.

“Kung ‘yan ang maging presidente, hindi alam ang batas, na ang pulis pala ay puwedeng magtanggap, according to the Anti-Graft and Corrupt Practices Law, nandiyan sa batas, mismo, punishing itong maghingi nang malaki, ‘yung maghingi muna bago magtrabaho. Pero kung tapos na ang trabaho, the Filipino is always conscious about gratitude, that is a trait deeply rooted sa ating… may utang na loob ka,” ayon sa pangulo.

Siguradong madidisgrasya at patay anya ang bansa sakaling si Robredo ang mamumuno

“Tapos ito, diretso, sabihin na ganito-ganito, ‘wag kayong magkumpiyansa diyan kay ano, disgrasya kayo. ‘Yan ang presidente, patay, sigurado,” dagdag ni Duterte.

Ang banat ng pangulo ay kasunod ng mga pahayag ni Robredo na dapat nang repasuhin ang drug war dahilan para ialok sa kanya ng pangulo ang pagiging drug czar.

Pero ayon sa bise presidente, hindi ipapasa sa kanya ang trabaho sa drug war kung hindi talaga ito pumalya.

“Kung successful kasi siya, hindi kailangang ipasa, kasi wala nang ipapasa, eh. Kasi nagawa mo na. Pero kung ipapasa mo sa iba, hindi ba admission iyon na ang dami pang kailangan gawin,” ayon sa bise.

 

Read more...