NDRRMC nanawagan sa publiko na huwag maniwala sa kumakalat sa social media na magkakaroon ng isa pang malakas na lindol

Nanatili sa lima ang opisyal na bilang ng namatay sa magnitude 6.6 na lindol sa mindanao.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na bukod sa limang nasawi may dalawa pa ang nawawala sa ngayon.

Umaabot naman sa 394 ang bilang ng nasaktan.

Sa tala ng NDRRMC kabilang sa nasawi ay sina:

Nestor Narciso, 66

Angel Andy, 22

Rene Boy Andy, 7

Marichelle Moria, 23

at Jesriel Pabra, 15.

Unang napaulat na nasa pito ang nasawi sa lindol na tumama sa tulunan, cotabato martes ng umaga.

Aabot naman sa 1,681 pamilya o nasa 8,405 na katao ang naapektuhan ng pagyanig sa tatlong barangay sa Region XII.

Nasa 133 mga istraktura ang napinsala ng lindol sa Regions IX, X, XI, XII, at sa BARMM na kinabibilangan ng 94 na paaralan, 11 health facilities, 20 commercial establishments, 7 pampublikong istraktura at isang simbahan.

Samantala, umapela ang NDRRMC sa publiko na huwag paniwalaan ang kumakalat na ulat na magkakaroon muli ng malakas na pagyanig sa Mindanao na kumakalat sa mga text messages at social media.

Sinabi ni Timbal na walang nakakaalam kung kailan magkakaroon ng pagyanig at wala pa aniyang teknolohiya na maaaring magsabi kung kailan magaganap ang lindol.

Read more...