Nasawi sa M6.6 quake sa Mindanao umabot na sa 7

Umabot na sa pito ang namatay sa magnitude 6.6 na lindol na tumama sa Mindanao Martes ng umaga.

Pinakamalakas na naramdaman ang pagyanig sa Tulunan at Makilala sa Cotabato, Kidapawan City at Malungon, Sarangani.

Batay sa ulat ng civil defense officiaes at pulisya dalawa ang nasawi sa Magsaysay, Davao del Sur.

Patay ang grade 9 student na si Jessie Riel Parba ng Kasuga National High School matapos matamaan ng debris habang papalabas ng school building.

Nalibing naman sa landslide sa Barangay Tagaytay si Benita Saban.

Sa Tulunan naman, nasawi matapos madaganan ng bumagsak na puno ang buntis na si Marichel Morla.

Sa Arakan, Cotabato patay sina Angel Andy at anak na si Reneboy nang magulungan ng mga bato.

Hindi rin nakaligtas ang retiradong ambulance driver na si Nestor Narciso makaraang madaganan ng gumuhong bahagi ng isang evangelical church sa Brgy. General Paulino Santos, Koronadal City.

Sa Digos City, inatake sa puso si Jeremy Sarno habang sakay ng motorsiklo para sana lumikas sa mas ligtas na lugar matapos ang pagyanig.

Bukod sa mga nasawi, marami rin ang nasugatan kabilang ang mga estudyante.

Hanggang alas-8:00 ng gabi umabot na sa 124 ang aftershocks na naitala ng PHIVOLCS.

Ibinabala rin ang mas marami pang pinsala at pinaghahanda pa ang publiko sa maraming aftershocks.

Read more...