Sa ulat ng Phivolcs naitala ang 6.6 magnitude na lindol kung saan sa Tulunan, Cotabato ang naging epicenter.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, may ginagawa nang rapid damage assessment ang lahat ng reponsableng government agencies at local government units para maayos na mailatag ang rescue at relief operations.
Mahigpit na aniyang minomonitor ng national government sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Office of the Civil Defense ang sitwasyon sa Mindanao.
Kasabay nito, umaapela ang palasyo sa publiko na maging kalmado subalit dapat na maging alerto.
Iwasan na rin aniya ang pagpapakalat ng maling impormasyon na maaring magdulot ng panic, stress o alarma sa publiko.
Hinihimok din ng palasyo ang publiko na mag-monitor sa mga bulletin o update na ipinalababas ng pamahalaan.