Mahigit 30 na mga driver at konduktor ng iba’t ibang kumpanya ng bus ang nagpositibo sa droga matapos ang drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga bus terminal bilang paghahanda sa Undas.
Dahil dito ay pinigilan ng PDEA ang mga driver at konduktor na nagpositibo sa drug test na bumiyahe sa mga probinsya.
Lunes ng umaga ay nagsagawa ang ahensya ng sorpresang drug test sa mga bus terminals sa Cubao sa Quezon City at sa Pasay City.
Hakbang ito ng ahensya para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero na sa mga lalawigan magdiriwang ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Pinangunahan ni PDEA Deputy Director General for Operations Gregorio Ramos-Pimentel ang drug test gayundin ang K9 sweeping sa JAC Liner Bus Terminal at Philtranco sa Pasay City at sa Partas Bus Terminal at Five Star Bus Terminal sa Cubao.
Ayon kay PDEA Director Genral Aaron Aquino, katuwang nila sa implementasyon ng “UNDASPOT” ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Layon nito na hindi magamit ng mga drug traffickers ang dagsa ng mga pasahero sa mga terminal para sa transportasyon naman ng iligal na droga.
Ang mga driver at konduktor na nagpositibo sa droga ay sasailaim sa confirmatory test saka sila papatawan ng kaukulang aksyon.