Publiko pinag-iingat sa pagbili ng Halloween costumes, decors, toys

Pinag-iingat ng isang environmental group ang publiko sa pagbili ng Halloween costumes, decorations at toys dahil sa posibleng banta ng mga ito sa kalusugan.

Sa isang pahayag araw ng Linggo, sinabi ng EcoWaste Coalition na bumili sila ng 35 Halloween products sa halagang P25 hanggang P199 mula sa 26 na tindahan sa Monumento, Caloocan City; Quiapo, Maynila; Libertad, Pasay City; at Cubao, Quezon City.

Ayon kay EcoWaste Coalition chemical safety campaigner Thony Dizon, lumalabas na ilan sa mga Halloween items na kanilang nabili ay hindi nakarehistro sa health authorities, kulang sa label at ang iba ay wala talagang label.

Ilang mga items din ang natapuan nilang ginamitan ng pinturang may mataas na lead content.

Siyam na Halloween decorations kabilang ang apat na pumpkin figurine sets, tatlong jack-o’-lanterns at dalawang toy animals ang nagtataglay ng lead na mas mataas sa regulatory limit na 90 parts per million (ppm).

Habang ang orange-painted jack-o’-lantern naman ay nagtataglay ng high lead level na mas mataas sa 10,000 ppm na lubha umanong masama sa kalusugan.

Ayon kay Dizon, mapanganib lalo na sa mga bata ang lead na maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto sa utak.

Ilan sa mga items din ay nakitaan ng high levels ng antimony, bromine at cadmium.

Bilang general rule, nagpayo ang EcoWaste sa publiko na huwag bumili ng mga produktong hindi rehistrado at walang label at maging ng mga items na maaaring magdulot ng injury.

Read more...