PNP naka-full alert status na para sa Undas

File Photo

Isinailalim na mula ngayong Lunes sa full alert ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) para sa paggunita ng mga Filipino sa Undas.

Inaasahang milyun-milyong Filipino ang muling tutungo sa mga sementeryo para bisitahin ang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Todos los Santos.

Una nang sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na ipakakalat sa buong bansa ng 35,618 na pulis para tiyakin ang seguridad.

Babantayan ang mga sementeryo, paliparan, pantalan, bus terminals, mga istasyon ng tren at mga mall.

Bukod sa higit 35,000 pulis, mayroon ding ipakakalat na 99,716 force multipliers na kabibilangan ng medical, fire and rescue volunteers at ng mga baranggay officials.

Sinabi naman ni Banac na wala pang namomonitor na kahit anong banta sa seguridad.

Gayunman, pinapayuhan ang publiko na maging mapagmatyag at iulat sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang indibidwal.

Mananatiling nasa full alert status ang PNP hanggang sa November 3 kung saan inaasahang babalik ang libu-libong katao sa Metro Manila.

Read more...