Task group na tututok sa kaso ng pagpatay kay Mayor Navarro, binuo ng pulisya

Binuo ang isang task group ng Police Regional Office – Central Visayas (PRO-7) para sa kaso ng pag-ambush kay Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro.

Ayon kay Police Brig. Gen. Valeriano De Leon, direktor ng PRO-7, tututok ang Special Investigation Tasg Group (SITG) Navarro sa isasagawang malalimang imbestigasyon sa pamamaril sa alkalde sa Cebu City noong Biyernes, October 25.

Aniya, itutuloy ang imbestigasyon maghain man ng reklamo o hindi ang pamilya ng alkalde.

Bilang bahagi ng imbestigasyon, nagsagawa ng reenactment ang mga otoridad sa nangyaring pamamaril sa bahagi ng M. Velez Street sa Barangay Guadalupe, Linggo ng hapon.

Samantala, sinabi naman ni De Leon na susuriin nila ang security plan ng Cebu para hindi na maulit ang naging pag-atake kay Navarro.

Si Navarro ay unang naaresto noong October 24 sa Mactan Airport makaraang ireklamo dahil pananakit sa isang masahista.

Read more...