Putin, bibisita sa bansa – Malakanyang

AP photo

Kumpirmado na ang pagbisita sa bansa ni Russian President Vladimir Putin.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na mismong si Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev ang naghayag ng pagbisita ni Putin.

Inaayos na lamang aniya ang schedule ng pagbisita ni Putin sa Pilipinas.

Hindi naman matukoy ni Panelo kung ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-imbita kay Putin sa kaniyang pagbisita sa Russia kamakailan.

Dalawang beses nang bumibisita si Pangulong Duterte sa Russia. Una noong May 2017 at ang ikalawa ay noong unang linggo ng Oktubre.

Ayon kay Panelo, ang pagbisita ni Putin sa bansa ay nangangahulugan lamang ito ng pagpapaigting pa ng relasyon ng Pilipinas at Russia.

Kung mahina man aniya ang relasyon ng dalawang bansa ay maari pa itong palakasin pero kung malakas naman na ay lalo lamang itong paiigtingin.

Marami aniyang kinakailangan na pag-usapan ang Pilipinas at Russia gaya halimbawa sa seguridad, kalakalan, bahagi ng intelligence information, tourism, exchange of scholars at maraming iba pa.

Read more...