Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 940 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Kumikilos ang LPA pa-Kanluran papalapit sa Mindanao ngunit mababa ang tyansa na maging bagong bagyo.
Gayunman, inaasahan itong magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Silangan ng Visayas at Mindanao kasama na ang Bicol Region simula bukas.
Ngayong araw, northeast monsoon o Hanging Amihan ang nakakaapekto sa Northern Luzon.
Magdadala ang Amihan ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.
Sa Metro Manila nalalabing bahagi ng Luzon, buong Visayas at Mindanao ay maalinsangang panahon pa rin ang mararanasan liban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan sa hapon o gabi dulot ng localized thunderstorms.