Ibabasura na ng administrasyong Duterte ang tatlong flagship infrastructure projects sa ilalim ng Build, Build, Build program.
Sa press briefing sa Taguig araw ng Biyernes, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na masyadong magastos ang naturang mga proyekto at hindi pa kaya ng bansa ang teknolohiya para buoin ang mga ito.
Ang mga proyektong kinansela na ng gobyerno ay ang:
- 18.2-kilometer Luzon (Sorsogon)-Samar bridge na nagkakahalaga ng P57B
- 23-kilometer Leyte-Surigao bridge na nagkakahalaga ng P47B
- at ang 24.5-kilometer Cebu-Bohol bridge na nagkakahalaga ng P56B
Ayon kay Pernia hindi pa available sa bansa ang teknolohiya para sa konstruksyon sa malalalim na katubigan at mahahabang tulay.
Mayroon naman anyang smaller-projects na magiging kapaki-pakinabang sa ibang rehiyon.
Ayon kay Pernia, ilalabas sa susunod na linggo ang revised list ng infrastructure projects.
Mula sa orihinal na 75, magiging 100 na umano ang kabuuang bilang ng proyekto kasama ang smaller projects na ipapalit sa tatlong kinansela.