Ito ay sa gitna ng pahayag ni Vice President Leni Robredo na nananatiling talamak ang droga sa bansa.
Sa press briefing araw ng Biyernes, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac na tagumpay ang war on drugs at ipatutupad pa rin ang kampanyang ito.
“Tama po ‘yun… Mananatili po ang ating kampanya dahil ito po ‘yung mandato natin at kailangang gampanan para sa ating mga mamamayan,” ani Banac.
Ayon sa PNP official, ang mataas na approval rating ng mga Filipino sa war on drugs ay dahilan para ipagpatuloy pa ito.
“Well ang atin pong isinagawang anti-illegal drug campaign ay meron pong 82 percent approval satisfaction from our public so ‘yun po ang magiging batayan namin kaya magpapatuloy ang ating kampanya laban sa illegal na droga,” dagdag ni Banac.
Una nang kinontra ng Palasyo ng Malacañang ang pahayag ni Robredo at sinabing nagpapadala ito sa mga kasinungalingan at black propaganda ng oposisyon.